DSWD nagsaliksik sa atmospheric water generator sa Port of Surigao
SURIGAO CITY, Surigao del Norte -- Bumisita ang mga opisyal ng KALAHI-CIDSS o Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Port of Surigao upang pag-aralan ang paggamit ng makabagong teknolohiyang atmospheric water generator (AWG).
Pinangunahan ni Attorney Bernadette Mapue-Joaquin, kasalukuyang national program manager ng KALAHI-CIDSS, ang delegasyon ng DSWD ay nakatanggap ng detalyadong paliwanag mula sa Port Management Office (PMO) ng Surigao tungkol sa operasyon, pagpapanatili, at iba pang mahahalagang aspeto sa teknolihiya ng AWG.
Malugod na tinanggap ng PMO Surigao, na pinangunahan ni Port Manager Froilan Caturla ang delegasyon ng DSWD. Sa loob ng kanilang site visit, natutunan ng mga DSWD officials ang mga sumusunod na mahalagang impormasyon: ang daily water production capacity ng AWG units na makikita sa port, mga maintenance requirements para sa optimal performance nito, power consumption at energy efficiency ng mga kagamitan, cost-effectiveness comparison sa iba pang emergency water solutions, at mga requirements para sa mga operators.
Ayon kay Mapue-Joaquin, masusing pinag-aaralan ng DSWD ang paggamit ng AWG bilang emergency water source, partikular sa panahon ng mga kalamidad na kadalasang sumisira sa mga existing water systems ng mga komunidad.
Sinabi din ni Mapue-Joaquin na ang pilot testing ay maaaring magsimula sa mga high-risk areas na madalas tamaan ng kalamidad, lalo na sa mga island provinces na mahirap ma-access ng conventional relief operations.
Ang AWG ay isang makabagong kagamitan na gumagawa ng inuming tubig mula sa hangin. Ginagamit nito ang advanced filtration systems upang makagawa ng malinis at ligtas na tubig kahit saan, lalo na sa mga lugar na walang access sa tradisyonal na water supply systems.
Mahalaga ang teknolohiyang AWG dahil sa ang Pilipinas ay isa sa mga bansang pinakamadalas tamaan ng mga natural disasters tulad ng bagyo, lindol, at baha. Sa mga ganitong sitwasyon, ang access sa malinis na inuming tubig ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees at komunidad. (Puerto Ng Surigao/PIA- Surigao del Norte)