Mga Caraganon naghahanda na sa undas; vaccination operation patuloy
Ni Jennifer P. Gaitano
BUTUAN CITY -- Bagamat hindi pinapahintulutan ang publiko na magdaus ng undas sa mismong araw nito ngayong November 1 hanggang November 2, 2021, nakahanda naman ang mga otoridad sa pagmonitor at pagkontrol ng pagdagsa ng mga tao na bibisita sa puntod ng kanilang mga yumaong kapamilya sa ibat-ibang cemeteries ilang araw bago ang nakatakdang petsa.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Caraga regional office, inumpisahan na ng kanilang hanay ang maagang paghahanda sa seguridad at kaligtasan ng publiko at tiniyak na striktong ipatutupad ang health protocols upang maiwasan ang hawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pangalawang taon na ito sa rehiyon kung saan maagang bibisita ang mga Caraganon sa sementeryo dahil sa COVID-19 pandemic.Inaasahan naman na patuloy pa rin ang pagsagawa ng vaccination sa mga probinsya lalo pa at mas pinaigting pa ng gobyerno ang pagbabakuna laban COVID-19 at target na makuha ang 70% herd immunity bago magtapos ang taong 2021.
As of October 18, may kabuuang 484,451 ang nabakunahan na sa Caraga region base sa tala ng Department of Health (DOH). Bahagyang bumaba naman ang naitalang kompirmadong kaso ng COVID-19 dahil na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols at contact tracing.
Abot sa 47,053 ang kabuuang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon. 2,389 ang kasalukuyang nasa isolation facilities at 1,644 ang naitalang namatay. May 43,020 naman ang nakarecover mula sa nasabing virus.
Patuloy namang hinihikayat ng DOH ang mga indibidwal lalo na ang may sintomas ng COVID-19 na magpakonsulta at sumangguni sa health center upang ma-test at masigurong hindi makahawa ng iba.
Samantala, inaasahan din ang pagdating ng mga locally stranded individuals (LSIs) papuntang Agusan del Sur mula National Capital Region (NCR) ngayong October 22 sa Butuan City Airport sa ilalim ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) Program ng pamahalaan. Ang ibang LSIs naman ay papuntang Dinagat Islands ngayong October 29.
Nakaantabay na rin ang mga kinauukulang ahensiya at lokal na pamahalaan sa kanilang pagdating upang matiyak ang kanilang ligtas na pag-uwi sa kani-kanilang probinsya. (JPG/PIA-Caraga)