PMO Surigao nagdiwang ng anibersaryo ng Philippine Ports Authority
SURIGAO CITY, Surigao del Norte -- Sa isang makabuluhang pagdiriwang na nagpapakita ng dedikasyon sa paglilingkod, ipinagdiwang ng Port Management Office (PMO) ng Surigao ang ika-51 taong anibersaryo ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Port of Surigao noong Hulyo 11.
Ang simple ngunit makahulugang selebrasyon ay pinangunahan ni PMO Surigao Port Manager Froilan Caturla kasama ang mga kawani ng PMO Surigao, na nagkakaisa sa paggunita sa mahigit sa kalahating siglong walang-patid na paninilbihan sa mamamayang Pilipino.
Nagsimula ang pagdiriwang sa isang banal na Misa na inilaan para sa pagpapasalamat at pagpugay sa Maykapal na patuloy na gumagabay sa pambansang pangasiwaan ng mga daungan sa Pilipinas.
Sa kaniyang mensahe para sa okasyong ito, binigyang-diin ni Port Manager Caturla ang walang-sukat na kahalagahan ng bawat kawani ng PPA sa patuloy na nagseserbisyo.
"Ang bawat pasahero at kargamento na dumaan at patuloy na da-raan sa ating mga pantalan ay lagi sana nating bigyan ng nararapat at karapat-dapat na serbisyo sa lahat ng panahon," pahayag ni Caturla sa kanyang mensahe.
Dagdag pa niya, ang patuloy na dedikasyon ng mga kawani sa susunod na mga taon ay magiging susi sa pagpapanatili ng mataas na kalidad ng serbisyo na inaasahan ng publiko mula sa PPA.
Ang Philippine Ports Authority, na naitatag noong 1974, ay nagsilbing pundasyon ng maritime transportation system ng Pilipinas. Sa loob ng 51 taon, patunay ang ahensya sa pag-unlad ng mga pantalan at serbisyong pangdaungan sa buong bansa, kasama na ang Port of Surigao na nagsisilbing mahalagang gateway sa rehiyon ng Caraga. (PPA- PMO Surigao/ PIA Surigao City)