Gawad Julian Cruz Balmaseda 2025, tumatanggap na ng lahok
Ang Gawad Julian Cruz Balmaseda ay ang pinakamataas na pagkilála na handog ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) para sa natatanging tesis at disertasyon sa agham, matematika, agham panlipunan, at iba pang kaugnay na larang gamit ang wikang Filipino.
Layunin nitó na hikayatin at palaganapin, sa pamamagitan ng sistemang mga insentibo, grant, at gawad, ang pagsusulat at publikasyon sa Filipino at ibang mga wika ng Pilipinas ng mga akdang orihinal, kabilang ang mga teksbuk at sangguniang materyales sa iba’t ibang disiplina.
May dalawang kategorya ang gawad: (1) tesis at (2) disertasyon. May isang magwawagi lámang sa bawat kategorya. Maaari ring walang tatanghaling magwawagi sa alinmang kategorya.
Nagsimula ang gawad noong 2015 at nakapagtala ng sampung nagwagi: Marlon S. Delupio, disertasyon sa kasaysayan (2015); Gilbert Macarandang, disertasyon sa agham pampolitika at Roman Sarmiento Jr., tesis sa kasaysayan (2016); Lovela Velasco, disertasyon sa panitikan, at Christian Javier Fajardo, tesis sa antropolohiya (2017); Emmanuel De Leon, disertasyon sa pilosopiya (2018); Wenilyn Fajilan, disertasyon sa pagsasalin (2019); Regina Starr, tesis sa musika at panitikan (2020); Roque Augustus L. Lamadrid, tesis sa araling kultural at Jonathan V. Geronimo, disertasyon sa araling kultural (2022).
Makatatanggap ng halagang P100,000 (net) at isang plake ng pagkilála ang magwawagi sa mga kategorya ng naturang gawad. Lahat ng kopya ng mga lahok, nanalo man o natalo, ay hindi na ibabalik sa mga kalahok. Angkin ng KWF ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging lahok nang walang royalti sa may-akda.
TUNTUNIN:
1. Ang gawad ay bukás sa lahat ng mga estudyante, babae man o laláki, sa antas gradwado (masteral at doktorado), maliban sa mga empleado ng KWF at kanilang mga kaanak.
2. Ang ilalahok na tesis at/o disertasyon ay naipagtanggol at naipasá sa
mga taóng 2021 hanggang 2023.
3. Kinakailangan itong isulat bílang kahingian sa mga kursong may
kaugnayan sa agham, matematika, agham panlipunan, humanidades, at sa iba pang
kaugnay na larangan.
4. Kailangang orihinal na isinulat at ipinagtanggol sa Filipino ang
lahok, orihinal na gawa ng may-akda, hindi pa nailalathala bílang aklat, at
hindi rin salin mula sa ibang wika.
5. Marapat na gamitin ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat (MMP) bílang
format sa pagsulat ng talababa, talasanggunian, at iba pa. https://drive.google.com/.../1-jcq4DfZrFFq.../view
6. Para sa paglahok, kinakailangang isumite nang apat (4) na limbag na
kopyang makinilyado o computerized (hardcopy). Ang kopya ng mga lahok ay
kinakailangang walang taglay na anumang pagkakakilanlan ng may-akda.
Nangangahulugan ito ng pag-aalis ng mga preliminaryong pahina ng tesis at
disertasyon na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng may-akda. Tanging pamagat ng
tesis/disertasyon at sagisag-panulat lámang ang pahihintulutang nakalimbag sa
manuskrito.
7. Ang mga preliminaryong pahina ng tesis/disertasyon, gaya ng katibayan
ng pagsang-ayon, tungkol sa mananaliksik o bionote, pasasalamat, pag-aalay,
pahina ng grado at ebalwasyon, at iba pang katulad ay ilalakip sa isang bukod
na brown envelope, kasáma ang sumusunod:
7.1 Apat (4) na kopya ng
limbag na lahok (softbound o ring bind);
7.2 curriculum vitae ng
may-akda;
7.3 pormularyo ng
paglahok; https://docs.google.com/.../1KtYI9urHG1T1v6QXejz.../edit
7.4 notaryadong
awtentipikasyon ng lahok;
7.5 notaryadong katibayan
ng etikong pananaliksik (walang plahiyo) na nilagdaan ng tagapayo;
7.6 rekomendasyon mula sa
dalawang propesor sa kinabibilangang larangan;
7.7 rekomendasyon mula sa
tagapangulo ng kinabibilangang departamento;
7.8 rekomendasyon mula sa
dekano/a ng kinabibilangang kolehiyo; at
7.9 dihital na kopya ng
lahok na nása isang universal serial bus (USB) drive.
8. Ang dokumentong ito ay nakalagay sa isang expanding envelope na may
pangalan at adres ng kalahok. Ipadadala ang mga lahok sa:
Lupom sa Gawad Julian Cruz
Balmaseda 2025
Komisyon sa Wikang Filipino
2/P Gusaling Watson, 1610
Kalye J.P. Laurel,
San Miguel, Maynila 1005
9. Ang hulíng araw ng pagsusumite ng mga lahok ay sa 18 Oktubre 2024,
5:00 nh. Para sa mga ipinadala sa pamamagitan ng koreo, tatanggapin lámang ng
KWF ang mga lahok na naipadala bago o sa nabanggit na petsa.
10. Ang mga magwawagi sa kategorya ng tesis at disertasyon ay
makatatanggap ng PHP100,000.00 (net), plake, at medalya. May isang magwawagi
lámang sa bawat kategorya. Maaari ding walang tatanghaling magwawagi sa
alinmang kategorya.
11. Ang pasiya ng Lupon ng Inampalan ay pinal at hindi na mababago.
12. Hindi patatawarin ang sinumang mahuhúling nagplahiyo. Kakanselahin
ng KWF ang ipinagwaging lahok at hindi na muling makasasali pa sa alinmang
timpalak ng KWF.
13. Ang mga dokumentong ipinadala ng mga lumahok, nanalo o hindi, ay
hindi na ibabalik sa mga may-ari.
14. Pára sa karagdagang detalye, tumawag o mag-text sa 0928-844-1349, o mag-email sa timpalak.gawad@kwf.gov.ph. (KWF/PIA-Caraga)