(PAGASA 24-HOUR PUBLIC WEATHER FORECAST as of Thursday, 09 February 2023) Northeast Monsoon affecting Luzon. Butuan City, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur and Dinagat Islands will experience Partly cloudy to cloudy skies with isolated rainshowers or thunderstorms due to localized thunderstorms. Possible flash floods or landslides during severe thunderstorms. Moderate to Strong winds coming from Northeast will prevail with Moderate to Rough seas / (1.2 to 2.8 meters).


Monday, January 9, 2023

149 ARBs sa Agusan del Sur tatanggap ng titulo ng lupain mula sa DAR

Ni Jennifer P. Gaitano

LUNGSOD NG BUTUAN -- Nasa isang-daan at apatnaput-siyam (149) na Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang napili ng Department of Agrarian Reform (DAR) matapos nilang magpa-raffle para mapakinabangan ng mga magsasaka ang mahigit 3,000 ektaryang lupa na may nakatanim na palm oil tree.

Una ng tatanggap ang mga miyembro ng NDC-Guthrie Plantations Incorporated o NGPI-Abalayan Group o mas kilala na ngayong Maligaya Agrarian Reform Beneficiaries’ Cooperative (MAARBCO) na siyang maghahati-hati sa 400 ektaryang lupain para sa kanilang pangkabuhayan.

Inaasahang makatatanggap ng titulo ang mga benepisyaryo ngayong buwan ng Enero 2023. Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., unang pagkakataon itong maibahagi sa mga benepisyaryo ng probinsya.

Walang mapaglagyan ang kasiyahang nadarama ni Jessie Omamalin, vice chairperson ng Abalayan Group/ MAARBCO sa inisyatibong ito ng DAR.

“Malaki ang aming pasasalamat dahil sa mahigit walong taong paghihintay, pinakinggan rin ang aming panalangin na maging maayos at maibigay sa amin ang nararapat na ayuda o tulong mula sa DAR. Pasalamat din kami sa ating presidente dahil nakita namin na isa sa mga priority niya ay ang matulungan kaming mga magsasaka at agrarian reform beneficiaries,” ani Omamalin.

“Hindi namin ito inasahan dahil dati ang amin lang ay ang maging miyembro at makapagbayad ng koleksyon kada taon, at ngayon ay nabigyan kami ng pagkakataong makapag-may ari ng sarili naming lupa,” saad din ni Fidel Trillana, ARB mula sa Agusan del Sur.

“Sa ilalim ng NGPI Coop, kami ang kauna-unahang coop na nabigyan ng lupa mula sa DAR. Kada taon mayroon naman kaming budget para sa maintenance para mapaayos din ang kalsada at iba pang kakailanganin. Maraming salamat sa DAR at sa iba pang ahensya,” banggit ni Metodio Abalayan, isa rin sa mga ARBs sa Agusan del Sur.

Ayon naman kay DAR Agusan del Sur Provincial Director Jamil Amatonding, Jr., magpapatuloy ang tulong ng ahensya para sa mga agrarian reform beneficiaries upang mas lalo pang lumago ang kanilang sakahan sa kani-kanilang sariling lupain.

“Maituturing na sold (nabili) na sa grupong ito ang lupa at hihintayin na lang nila ang kanilang titulo. Sa buong Pilipinas, ito pa lang ang na-issuehan o nabigyan ng pundo para sa survey activities,” ani Dir. Amatonding. (JPG/Bryan Galaraga/PIA-Agusan del Sur