Kids O'Clock Advocacy mas pinaigting pa ng mga ahensya ng pamahalaan sa Caraga region
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Kasabay sa taunang selebrasyon ng National Children’s Month sa Butuan City, mas pinalakas din ng Regional Committee for the Welfare of Children (RCWC) Caraga ang Kids O’Clock Advocacy tuwing alas tres ng hapon.
Dito ay hinihikayat ang iba’t-ibang sektor o organisasyon na makiisa sa pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan at iba pang concern ng mga bata.
Ayon kay Assistant Regional Director for Administration Atty. Faizal Padate ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga, naka-ankla ito sa 3rd National Plan of Action for Children Goals na layong mas mapalawig pa ang pagsulong sa karapatan ng mga bata.
“Ang tema ng ating selebrasyon sa taong ito ay ‘Kalusugan, Kaisipan at Kapakanan ng Bawat Bata ating Tutukan!’ Layon nitong mas patugunan pa ang pangangailangan, Karapatan at kapakanan ng mga bata sa harap ng pandemya,” ani Padate.
Binigyang-diin ni Regional Director Venus Garcia ng Philippine Information Agency (DSWD) Caraga, na kailangang mapaigting pa sa kaisipan ng bawat pilipino ang mga karapatan ng mga bata partikular na pagdating sa mental health.
“Mas paiigtingin pa natin ang kampanya laban sa ano mang karahasan o kapahamakan laban sa ating mga bata. Magkaisa at magtulungan tayo para makamit ang mga adhikaing makabubuti sa sector ng mga bata,” ani Garcia.
Hinikayat din ni Regional Director Lilibeth Famacion ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Caraga ang mga local government units na patuloy na ipatupad ang mga natatanging programa para sa mga bata, at makilahok sa Seal of Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA).
“Patuloy tayong makiisa sa paggawa ng mga hakbang upang mas lalo pa nating mapaunlad ang sektor ng ating mga kabataan,” banggit ni Famacion.
Tiniyak din ni Regional Director Police Brigadier General Pablo Gacayan Libra II ng Philippine National Police (PNP) Caraga, ang pagpapanatili ng kaayusan at pagprotekta sa mga bata laban sa ano mang uri ng karahasan at pang-aabuso.
“Gagawin po ng ating kapulisan ang lahat para patuloy na magabayan, mabantayan, at masigurong ligtas sa ano mang kapahamakan ang ating mga bata,” pahayag ni PBGen. Libra II.
Samantala, lumagda rin sa panatang makabata tarp ang mga opisyal at representante mula sa iba’t-ibang sektor bilang kanilang suporta sa adhikaing ito. (JPG/PIA-Caraga)