(PAGASA 24-HOUR PUBLIC WEATHER FORECAST as of Wednesday, 07 December 2022) Shear Line affecting Northern Luzon. Butuan City, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte and Surigao del Sur will experience partly cloudy to cloudy skies with isolated rainshowers or thunderstorms due localized thunderstorms. Possible flash floods or landslides during severe thunderstorms. Light to moderate winds coming from Northeast will prevail with slight to moderate seas / (0.6 to 2.5 meters).


Sunday, December 19, 2021

Pangulong Duterte binisita ang mga nasalanta ng bagyong Odette sa Caraga

LUNGSOD NG BUTUAN -- Kalunos-lunos ang sitwasyon ng mga residente sa mga lugar na dinaanan ng Bagyong Odette at nasaksihan mismo ito ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isinagawang aerial inspection kasama ang iba pang opisyal.

Kasabay nito ay ipinaabot mismo ni Dinagat Islands governor Arlene "Kaka" Bag-ao at Surigao del Norte governor Francisco "Lalo" Matugas ang kanilang hiling na tulong at ayuda para sa bawat pamilyang apektado ng kalamidad

Maraming bahay ang nawasak dahil sa napakalakas na bagyo at kailangan na mabigyan ng agarang tulong ang mga residenteng nawalan ng tirahan at ang iba na nangangailangan rin ng pagkain at pangkabuhayan lalo na sa mga isla.

"Matulungan din sana ng national government ang pagpapadala ng pagkain para sa mga residente sa Siargao Island dahil walang magamit na transportasyon mula Surigao City papunta sa isla," ani ni Matugas.

Hiniling din ni Surigao City mayor Ernesto Matugas na mabigyan ng national government ang mga lokal na pamahalaan ng dagdag pondo para sa food-for-work at cash-for-work ng mga residenteng nawalan ng hanapbuhay.

"Kailangan talaga namin dito ang pagkain, tubig at iba pang ayuda para makabangon ang ating mga apektadong residente," banggit ni Matugas.

Ibinahagi ni Marcelina Becerro ng Brgy. Washington sa Surigao City ang kanyang hiling na tulong sa pagkain at tubig para sa kanyang pamilya at lahat ng apektadong residente sa kanilang lugar. Sirang-sira na ang mga bahay at wala silang mapagbibilhan ng pagkain. “Sana po ay matulungan kami ng gobyerno at agad na makaresponde sa amin,” banggit niya.

Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na kikilos ang mga ahensya ng pamahalaan para matugunan ang mga panawagan at pangangailangan ng mga apektadong local government units (LGUs) at mga residente nito. Magbibigay rin ng dagdag pondo para sa pagsiguro na may pagkain para sa bawat apektadong pamilya.

Samantala, binigyang-diin din ni Office of Civil Defense (OCD) administrator Undersecretary Ricardo Jalad na ginagawan na ng paraan para matugunan ang problema sa kuryente at linya ng komunikasyon, at iba pang kinakailangan ng LGUs sa probinsya.

“Sa tulong ng Department of Energy (DOE), maibabalik ang suplay ng kuryente dito at ginagawan na rin ng paraan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang linya ng komunikasyon natin at may Government Emergency Communications System – Mobile Operations Vehicle for Emergency (GECS-MOVE) rin tayong nagagamit. Tutulong din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbigay ng relief goods," banggit ni Jalad. (JPG/PIA-Caraga)