Pulisya sa Agusan Sur nagbahagi ng food packs sa idinaos na Police Service Anniversary
PROSPERIDAD, Agusan del Sur -- Ang Agusan del Sur Police Provincial Office (ADSPPO), sa pamumuno ni Police Colonel (PCol.) Yahya Bustamante Yusup, ay nagsagawa ng pamamahagi ng mga food packs sa lahat ng non-uniformed personnel (NUP) bilang paggunita sa ika-123 Anibersaryo ng Serbisyo ng Pulisya na may temang, "Sa Bagong Pilipinas Ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!" nitong Agosto 8 sa ADSPPO parade ground, Camp Democrito O. Plaza, Patin-ay, Prosperidad ng nasabing probinsiya.
Nagsimula ang programa sa isang taimtim na panalangin na pinangunahan ni Police Corporal Mercado, sinundan ng isang malugod na pagbati ni Police Captain Arroza.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PCol. Yusup ang kahalagahan ng mga NUP, ika niya, "Malaki ang naging ambag ng ating mga NUP sa ating pang araw-araw na gawain. Maaari natin silang maikumpara sa isang sako ng bigas na kung saan sila ay nagrerepresenta ng mga butil. Hindi makakatayo ng maayos ang isang sako kung walang lamang bigas, gayundin sa ating organisasyon, hindi magiging 100 percent epektibo ang PNP kung wala ang ating magigiting na NUP."
Ang aktibidad na ito ay alinsunod sa Community Perspective ng Philippine National Police (PNP) Peace and Order Agenda for Transformation and Upholding of the Rule of Law (P.A.T.R.O.L.) Plan 2030, na naglalayong paunlarin ang isang mas ligtas na lugar upang manirahan, magtrabaho, at magnegosyo sa lalawigan. (PRO13-Agusan del Sur Pulis/PIA-Agusan del Sur)