P15.3-B iniliaan para sa Pilipinong manggagawa sa abroad
Inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F.
Pangandaman ang paglalaan ng gobyerno ng P15.3 bilyon sa ilalim ng panukalang
2024 national budget para sa Department of Migrant Workers (DMW) upang
makapaghatid ng mas malaking tulong at proyekto para sa mga migranteng
manggagawang Pilipino.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hinding-hindi po
pababayaan ng ating pamahalaan ang kapakanan ng ating mga migrant workers. They
are our heroes. Dapat lang na sila po ay matulungan at maalalayan, lalo na sa
panahon ng krisis. Katuwang po nila kami sa DBM. Katuwang po nila ang
pamahalaan,” pagdidiin ni Secretary Pangandaman.
Tinukoy ni Secretary Pangandaman na kasama sa panukalang budget ang pondo ng Overseas
Workers Welfare Administration (OWWA) Emergency Repatriation Program (ERP) na
may alokasyong P9.7 bilyon para matulungan ang mga OFW na sapilitang pinauuwi.
Karagdagang P1.2 bilyon naman ang inilaan para sa Agarang Kalinga at Saklolo
para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund, na siyang nagbibigay ng
legal, medikal, pinansiyal, at iba pang uri ng tulong sa mga OFWs, kabilang ang
repatriation, pagbabalik sa bansa ng katawan ng mga yumaon, evacuation, rescue,
at iba pang klase ng proyekto upang protektahan ang karapatan ng mga Pilipino.
Naglaan naman ng P13 milyon sa OFW hospital and diagnostic center upang
suportahan ang mga medikal na pangangailangan ng mga OFW at kanilang qualified
dependents.
Naaayon ang nabanggit na proyekto sa mithiin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos
Jr. na isulong ang interes ng mga migranteng manggagawang Pilipino at
protektahan sila sa mga sitwasyon ng krisis.
Karagdagang suporta para sa mga migrant workers mula sa OWWA fund
Samantala, pinaglaanan naman ng P9 milyong dagdag na pondo ang Balik Pinas,
Balik Hanapbuhay Program (BPBH), na may kabuuang alokasyong P440.115 milyon sa
susunod na taon. Ang BPBH ay isang pakete ng livelihood support na naglalayong
magbigay ng agarang tulong sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs).
Layon ng programa na magbigay ng entrepreneurship development training at cash
assistance na nagkakahalaga ng P20,000 bilang start-up o karagdagang kapital.
Maliban dito, may karagdagang P227.995 milyon ang inilaan sa Tulong
Pangkabuhayan sa Pag-Unlad ng Samahang-OFWs (TULONG PUSO) na layong suportahan
ang pagbuo, pagpapahusay, o pagpapanumbalik ng mga proyektong pangkabuhayan ng
mga organisasyong OFW.
Palalakasin din ang mga pamilya ng OFWs sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng
mga negosyo na magbibigay sa kanila ng tuluy-tuloy na kita, sa tulong ng P18
milyon na inilaan sa OFW Enterprise Development and Loan Program (EDLP).
Alinsunod sa Republic Act No. 10801, ang EDLP ay isang enterprise development
intervention ng OWWA katuwang ang Land Bank of the Philippines (LBP) at ang
Development Bank of the Philippines (DBP), na tutulong din sa mga pamilya ng
OFW na lumikha ng mga oportunidad na trabaho sa kanilang komunidad.
(DBM/PIA-Caraga)