Grupong BAKAS nagsanib puwersa sa RIACAT-VAWC laban karahasan, pang-aabuso
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Grupo ng mga kababaihang naging biktima ng Violence Against Women and their Children (VAWC) o pang-aabuso laban sa kababaihan at mga anak ang nakiisa sa kampanya ng gobyerno na pinangungunahan ng Regional Inter-Agency Committee Against Trafficking and Violence Against Women and their Children (RIACAT-VAWC).
Labis ang kasiyahan ng mga miyembro ng grupong “Bangon Kababayen-ang Surigao” (BAKAS) mula sa Surigao City nang makahalubilo nila ang mga kawani mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, sa ginanap na ‘WOMENtum’ (Women Momentum) #JuanaBidaKaSaCaraga bilang parte sa selebrasyon ng buwan ng kababihan ngayong taon.
Ang mga babaeng bumubuo ng grupong BAKAS ay naging biktima ng karahasan at pang-aabuso mula sa kamay ng mismong mga naging partner nila sa buhay, at ngayon ay aktibo na sa kampanya ng gobyerno laban dito.
Tumutulong na rin sila sa ibang babae na malabanan ang domestic at gender-based violence, at para maisulong ang kanilang karapatan.
Aranas |
Ayon kay Jessie Catherine Aranas, chief ng Protective Services Division ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga, ang grupong BAKAS ay nabuo noong August 2013, at karamihan sa kanila ay indigents.
Binigyang-diin din ni Chermie Ligad-Solana, Social Worker Officer I/CSWD Surigao City focal, na habang tumatagal ay mas nagiging matatag ang mga miyembro ng BAKAS at marami pa silang natutulungan.
“Noong una nasa 15 lang sila. Habang tumatagal dumarami na rin ang kanilang mga miyembro. At sila ‘yung nagsisilbing voice of the voiceless women,” ani ni Solana.
Ibinahagi rin ni BAKAS President Henrylyn Sayon na minsan na rin silang inabuso pero nanindigan at ipinaglaban ang kanilang karapatan. “Halos lahat sa amin nga ay indigents at minsan nahihirapan sa buhay. Kaya sana ay patuloy pa rin kaming makatanggap ng inyong suporta kahit hindi financial assistance, pwede rin namang bigas o pagkain lalo’t kami nalang ang bumubuhay sa aming pamilya, mga anak,” pahayag ni Sayon.
Naging aktibo rin ang diskusyon ng mga lumahok kaugnay sa mga batas na nagpo-protekta sa mga kababaihan tulad ng republic act 11313 o ang Safe Spaces Act, mental health first aid at tinuruan din sila ng defense tactics. (JPG/PIA-Caraga)