Iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan kinilala ng Regional Gender and Development Committee sa Caraga region
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Kinilala ng Regional Development Council – Regional Gender and Development Committee (RDC-RGADC) ang mga natatanging ahensiya sa Caraga region na nagwagi sa 2021 Search for Caraga’s Gender-Responsive Government Agencies.
Kasabay ito ng ika-labintatlong anibersaryo ng Magna Carta of Women (MCW) na idinaos sa lungsod ng butuan.
Kabilang dito ang Agusan del Sur State College of Agriculture and Technology, Commission on Human Rights, Caraga State University, Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Department of Education, Department of the Interior and Local Government, Department of Labor and Employment, Department of Social Welfare and Development, at National Telecommunications Commission.
Ang CHR at DSWD Caraga ang nasa kategoryang level 4 na ng Gender Mainstreaming Evaluation Framework (GMEF) results.
Ang mag kalahok na ahensiya ay tumanggap ng plake mula sa RDC-RGADC.
“Ang DSWD ay patuloy na magsisikap na maibigay ang mga serbisyo at programa sa mga vulnerable sectors lalo na ng mga kababaihan at mga bata,” ani ni Regional Director Ramel Jamen ng DSWD-Caraga.
Binigyang-diin ni Atty. Aurora Luanne Cembrano-Ramos, OIC-Regional Director ng CHR Caraga at RGADC chairperson, na mahalaga ring makilala at bigyang-parangal ang mga ahensiya na patuloy na nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng bawat sektor, maging ng LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual) community.
"Ang RGADC Caraga ang nanguna sa Search for Most Gender-Responsive Local Government Units sa taong 2019, at ngayon naman ang 2021 Search for Caraga's Gender-Responsive Government Agencies. Patuloy nating kikilalanin ang mga ahensiya at LGUs na may mga magagandang programa para sa mga kabahaihan,” pahayag ni Atty. Ramos.
Samantala, hinikayat din ni Atty. Jerefe Tubigon-Bacang, dating CHR Caraga Regional Director at RGADC chair, na siyang ring panauhing-pandangal, ang mga LGUs, iba pang ahensiya ng pamahalaan na aktibong lumahok sa mga adbokasiya ng nasabing komitiba at maging ehemplo sa ibang rehiyon.
Tumanggap din ng certificate of appreciation at token ang mga gad focal persons mula sa iba’t-ibang ahensiya at organisasyon, at mga miyembro ng validation team. (JPG/PIA-Caraga)