Mataas na kalibre ng armas at mga ilegal na pampasabog, isinuko sa mga kasundaluhan sa Surigao Norte
GIGAQUIT, Surigao del Norte -- Dalawang matataas
na kalibre ng armas at mga pampasabog ang isinuko sa mga kasundaluhan ng 30th
Infantry Battalion (30IB), PA, nitong ika-1 ng Marso 2022 pagkatapos na
makipagtulungan ang dating miyembro ng Milisyang Bayan sa mga
kasundaluhan.
Nangyari ang nasabing pagsuko ng mga armas
habang nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) ang mga tropa ng 30IB sa
komunidad ng Brgy. Magtangale, San Francisco, nitong lalawigan. Sa patuloy na
pagsasagawa ng mga aktibidades ng CSP ay matagumpay na nahikayat ang buong
komunidad na makipagtulungan sa gobyerno at isuko ang pagsuporta nila sa
teroristang grupo ng New People’s Army o NPA.
Kung kaya, isang aktibong miyembro ng Milisyang
Bayan ang nagsiwalat ng impormasyon ukol sa pinagtataguan ng mga armas at
pampasabog ng mga NPA. Upang kumpirmahin ang nasabing impormasyon ay agad na
nagsagawa ng retrieval operation ang 30IB upang mabawi ang matataas na armas at
mga pampasabog na ginagamit ng mga NPA para sa kanilang pananakot at pakikipagdigmaan.
Dito na nakumpirma at nakuha iligal na pampasabog o improvise explosive device
(IED), isang 5.56 M16 rifle at isang M79 grenade launcher sa bulubundukin
bahagi ng nasabing barangay.
Sa pahayag ni Lt. Col. Ryan Charles Callanta,
pinuno ng 30IB, pinasalamatan niya angpatuloy na pakikiisa ng mga mamamayan sa
pamahalaan upang makamit ang minimithing kapayapaan.
“Nagpapatunay ito na lahat tayo ay nagnanais ng isang masagana at mapayapang pamumuhay. Ang inyong kasundaluhan sa 30IB ay patuloy kayong poprotektahan sa abot ng aming makakaya. Patuloy tayong magkaisa para sa kapayapaan at kasaganaan sa Surigao del Norte," ani ng sundalong opisyal. (30th Infantry Battalion, PA/PIA-Surigao del Norte)