SurSur hiniling sa Senado na panatiliin ang pondo ng NTF-ELCAC para sa 2022
LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Sa pamamagitan ng Resolution No. 1984-21 noong Nobyembre 23, hiniling ni Surigao del Sur Board Member Conrad Cejoco sa Senado na panatiliin ang pondo ng NTF-ELCAC sa 2022 National Annual Budget ayon sa orihinal na isinulong ng Office of the President.
Ang tungkol sa bagay na ito ay mariin ding ipinagtanggol ni SP Member Henrich Pimentel, chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety dito.
Ani Pimentel, sana bago gumawa ng hakbang ang Senado ay nangunsulta muna. Katwiran pa nito, malaking ginhawa ang dulot ng NTF-ELCAC dito na isa sa matinding ginupo ng problema ng insurhensiya. Magpasalamat din aniya ang bansa na nagkaroon ng pangulong tulad kay Pangulong Rodrigo Duterte na masinsinan sa layuning ganap na matuldukan ang higit 50 taon ng problema.
Pulitika ang tinitingnang dahilan kaya nagawa aniya ng Senado ang pagtapyas sa PhP28.12 bilyon na naging PhP4 bilyon na lamang.
Inalmahan din ni Provincial Agriculturist Marcos Quico ang ginawa ng Senado. (DXJS RP-Tandag/PIA-Surigao del Sur)