Pages

Wednesday, October 17, 2018


Tagalog News: DOE nagsagawa ng focus inspection sa Caraga

By Jennifer P. Gaitano

LUNGSOD NG BUTUAN, Oktubre 17 (PIA) -- Sa isinagawang joint focus inspection ng Department of Energy (DOE), kasama ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno, pinaalalahanan nito ang mga gasoline stations na sumunod sa mga patakaran at regulasyon at regular na pagsagawa ng calibration process upang masiguradong functional at walang under delivery sa mga konsumante.

Bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin dulot na rin ng inflation sa bansa, mas pinaigting pa ng DOE ang kanilang pagsagawa ng focus inspection at pagkuha ng sampling ng liquid petroleum products sa mga gasoline stations at retail outlets at masigurong sumusunod ito sa Philippine National Standards for fuels.

Ayon kay Alex Rayos, supervising science research specialist – LPG section ng DOE central office, may ilan-ilan din silang nakitang paglabag ng mga gasolinahan sa kanilang isinagawang focus inspection sa Probinsya ng Agusan del Norte at Surigao del Norte.

Nananawagan din ang DOE sa publiko na ireport sa kanilang opisina o sa Department of Trade and Industry (DTI) sakaling may mapansin silang paglabag ng mga gasoline stations sa kanilang lugar at agad naman itong aaksyunan ng nasabing ahensiya.

Napag-alaman din na magtitipon-tipon ang ibat-ibang stakeholders sa ng rehiyon kasama ang DOE ngayon Oktubre para sa gagawing Information Education and Communication (IEC) on downstream oil industry. (JPG/PIA-Caraga)