Pages

Tuesday, November 18, 2014

Tagalog News: Kooperatiba at Magsasakang Benepisyaryo ng CARP, Pinarangalan sa Gawad Pitak 2014 ng Land Bank

BUTUAN CITY, Nob. 18 (PIA) - Nakuha ngayong taon ng Baug Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP Beneficiaries Multi-Purpose Cooperative o BCBMPC sa lalawigan ng Agusan del Norte ang titulo bilang 24th Ginintuang Gawad bilang Pinakatanging Kooperatiba o Gawad Pitak 2014 ng Land Bank of the Philippines o LBP sa ilalim ng agri-based category.

Sa isinagawang pagdiriwang ng ika-limamput’-isang anibersaryo ng naturang bangko, sinabi ni BCBMPC General Manager Luxmie Auxillo na ang naturang parangal umano ang pinaka-prestihiyosong parangal na natanggap ng kanilang kooperatiba mula sa ibat-ibang award-giving bodies.

Kabilang rin sa pinarangalan ang magsasakang benepisyaryo ng CARP na si Ginoong Ruben Ragas ng Sanghan Agrarian Reform Community sa nasabi pa ring lalawigan kung saan nakuha nito ang 1st runner-up bilang ulirang magsasaka.


Ang naturang mga parangal ay bahagi ng aktibidad sa anibersaryo ng LBP na layong bigyang papuri ang malaking kontribusyon ng mga kooperatiba at magsasaka sa ika-lalago at ika-bubuti ng lagay ng agrikultura at kapaligiran sa buong bansa. (DAR-Agusan del Norte/PIA-Agusan del Norte)